PABULA
Ang pabula ay isang uri ng panitikan na kathang isip lamang na kinapupulutan ng magandang aral. Mga hayop o bagay na walang buhay ang karaniwang gumaganap na pangunahing tauhan dito.
Kung ang tawag sa manunulat ng maikling kwento ay “kwentista”, “pabulista” naman ang tawag naman sa manunulat ng pabula.
Elemento o Bahagi ng Pabula
- Tauhan
· Ito ang anumang hayop na gumaganap sa istorya o kwento.
- Tagpuan
· Tumutukoy sa oras, panahon, at lugar na pinagdausan ng kwento at istorya. Maaari itong maging dalawa o higit pa.
- Banghay
· Ito ang kabuuang pangyayari na naganap sa kwento.
- Aral
· Ito ang mga mahalagang matututunan pagkatapos mabasa ang kwentong pabula.
Mga Halimbawa ng Pabula:
Ang mga sumusunod na maikling kwentong pabula na iyong mababasa ay mga pabula ni Aesop na muling isinalaysay sa wikang Filipino ng PinoyCollection team.
Narito ang mga halimbawa ng pabulang tagalog na may aral.
Ang Lobo At Ang Kambing
May isang lobo na nahulog sa tuyong balon. Sinikap niyang tumalon ng mataas upang makaahon ngunit ito’y bigo. Lubhang malalim ang balon na kanyang kinahulugan.
Maya-maya’y dumating ang isang kambing na uhaw na uhaw. Narinig nito ang tinig ng lobo kaya siya’y agad na lumapit sa balon.
“Marami bang tubig sa loob ng balon?” tanong ng kambing sa lobo.
“Oo, napakarami!” ang pagsisinungaling naman na sagot ng lobo.
Dahil dito’y agad na tumalon ang kambing sa balon at doon niya nalaman na siya’y niloko lamang ng lobo.
“Ngayo’y pareho na tayong bilanggo ng balon na ito,” ang sabi ng tusong lobo.
“Mamamatay tayo sa uhaw at gutom dito,” ang sabi ng kambing.
“Kung gusto mong makaalis dito, magtulungan tayo. Mayroon akong naisip na paraan kung papaano nating gagawin iyon,” wika ng lobo.
“Papaano?” tanong ng kambing.
Ipinatong ng lobo ang mga paa sa katawan ng kambing.
“Ako muna ang lalabas. Kapag nakalabas na ako, saka kita hahatakin pataas upang ikaw naman ang makalabas,” pangako nito.
“Sige,” ang sabi naman ng kambing.
Nakalabas nga ng balon ang lobo sa tulong ng kambing. Noong pagkakataon na ng kambing para tulungan ng lobo ay agad itong tumawa ng malakas. Sabay sabi ng, “Walang lobong manloloko kung walang kambing na magpapaloko.”
Pagdaka’y naiwanan ang kambing na malungkot sa malalim na balon.
Aral:
- Walang manloloko kung walang magpapaloko.
- Huwag agad magtiwala sa iba. Kilatisin at kilalanin muna ng isang tao bago pagkatiwalaan.
Isang araw ay may aso na nakahukay ng buto sa lupa. Tuwang-tuwa ito at dali-daling kinagat ang buto saka umalis.
Dinala niya ang buto upang iuwi sa kanyang bahay. Nang siya ay malapit na, napadaan siya sa isang ilog. Pinagmasdan niya ang ilog at doo’y nakita niya ang sariling anino. Dahil sa pag-aakalang ibang aso iyon na may hawak ring buto sa bibig, tinahulan niya iyon nang tinahulan upang maangkin din ang butong pag-aari nito.
Pagkaraan ay nalaglag mula sa kanyang bibig ang butong kagat-kagat nito at nahulog sa ilog. Tinangay ng agos ang buto at hindi na muli nakuha pa ng sakim na aso.
Aral:
- Ang pagiging sakim ay walang mabuting maidudulot kanino man kundi kapahamakan lamang. Mas mainam na maging mapagpasalamat sa bawat biyayang natatasama.
Noo’y panahon ng tagtuyot. Naghahanap ang isang uhaw na uwak ng tubig na maiinom. Buong araw itong naglakbay kaya siya’y uhaw na uhaw. Mamamatay siya sa uhaw kapag hindi siya nakainom ng tubig sa lalong madaling panahon. Sa wakas ay nakahanap siya ng isang banga na may lamang kaunting tubig sa loob nito. Subalit ang banga ay malalim at may makitid na leeg. Kahit anong subok niya ay hindi niya abot ang tubig.
Nag-isip ng paraan ang uwak. Kumuha siya ng maliit na bato at inilagay sa loob ng banga. Sa bawat maliliit na bato na iniligay niya sa loob nito ay unti-unting umaangat ang tubig. Ipinagpatuloy niya nag paglalagay hanggang sa maabot na ng kanyang tuka ang tubig at siya ay nakainom.
Aral:
- Maging matiyaga at huwag agad sumuko sa buhay. Ang tagumpay ay naaabot lamang ng mga taong may matinding pagnanasa na mapangyari iyon. Mas mainam nang sumubok kaysa wala kang ginagawa upang maging maayos ang buhay na inaasam mo.
Isang araw ay nagkasalubong sa daan ang Kuneho at ang Pagong.
Ngingisi-ngising inaglahi ng Kuneho ang Pagong.
“Hoy, Pagong,” sigaw ng Kuneho, “pagkaikli-ikli ng mga paa mo at pagkabagal-bagal mong lumakad.”
Hindi ipinahalata ng Pagong na siya ay nagdamdam. Upang patunayang may maipagmamalaki din naman ay sinagot niya ang mayabang na kalaban.
“Aba, Kuneho, maaaring mabagal nga akong maglakad pero nakasisiguro akong matatalo kita sa palakasan. Baka gusto mong pabilisan tayong makaakyat sa tuktok ng bundok pagsikat ng araw bukas. Tinatanggap mo ba ang hamon ko?”
Tuwang-tuwa ang Kuneho sa hamon ng Pagong. Nakasisiguro siyang sa bagal ng Pagong ay tiyak na mananalo siya. Upang mapahiya ang Pagong ay pinagtatawag ng Kuneho ang lahat ng kamag-anak niya.
Pinulong niya ang mga ito at inutusang palakpakan siya kapag matagumpay na naakyat na niya ang tuktok ng bundok. Iniutos din niyang kantiyawan sa mabagal na pag-usad ang kalaban.
Maagang-maaga dumating sa paanan ng bundok ang maglalaban.
Maaga ring dumating ang iba’t ibang hayop na tuwang-tuwang makasasaksi ng isang tunggalian.
Kapansin-pansing kung maraming kamag-anak si Pagong ay higit na maraming kamag-anak ni Kuneho ang nagsulputan.
Nang sumisikat na ang araw ay pinaghanda na ng Alamid ang maglalaban. Ang mabilis na pagbababa ng kaniyang kanang kamay ang hudyat na simula na ang laban.
Sabay na gumalaw paakyat ng bundok ang magkalaban. Mabilis na tumalun-talon ang mayabang na Kuneho paitaas na parang hangin sa bilis. Nang marating na niya ang kalahatian ng bundok at lumingon paibaba ay natanawan niya ang umiisud-isod na kalaban.
Maraming naawa sa mabagal na Pagong.
“Kaya mo yan! Kaya mo yan!” pagpapalakas ng loob na sigaw ng kaniyang tatay, nanay, kuya, ate, at mga pinsan.
“Talo na yan! Talo na yan! Pagkabagal-bagal!” sigaw na panunudyo ng mga kamag-anak ni Kuneho.
Kahit kinukutya ay sumige pa rin si Pagong. Buong loob siyang nagpatuloy sa pag-isod.
Malayung-malayo na ang naakyat ni Kuneho. Nagpahinga ito ilang sandali upang tanawin ang anino ng kalaban. Nang walang makitang anumang umuusad ay ngingisi-ngising sumandal ito sa isang puno at umidlip.
Kahit na sabihing napakabagal umusad ay pinagsikapan ng Pagong na ibigay ang lahat ng lakas upang unti-unting makapanhik sa bundok.
Nang matanawang himbing na himbing sa pagtulog ang katunggali ay lalong nagsikap umisud-isod pataas ang pawisang Pagong.
Palabas na ang araw nang magising si Kuneho. Nanlaki ang mga mata nito nang matanawang isang dipa na lamang ang layo ng Pagong sa tuktok ng bundok.
Litong nagtatalon paitaas ang Kuneho upang unahan si Pagong. Huli na ang lahat sapagkat narating na ng masikap na Pagong ang tuktok ng tagumpay.
Aral:
- Walang imposible sa taong nagsusumikap.
- Huwag maging mayabang. Tandaan, ang taong nagmamataas ay lalong bumababa at ang taong nagpapakababa ay siyang tinataas.
- Huwag magpaka-kampante sa isang labanan o tunggalian. Huwag mong hamakin ang kakayahan ng iyong kalaban.